Sunday, November 9, 2014

Ngapala, CPA na ako!

At nagpapasalamat ako sa aking sponsors - sa mga magulang ko, sa mga tita ko, sa tito ko, at sa ninong ko. Kung wala kayo, gutom ako. At syempre, kung gutom ako, maingay rin ang tiyan ko. At kapag maingay ang tiyan ko, hindi ako makaka-concentrate sa pinag-aaralan ko. At dahil di ako makaka-concentrate, aaliwin ko ang sarili ko sa mga bagay-bagay sa Manila. At dahil wala akong pera, di ako maaliw. At dahil di ako maaliw, mababaliw ako. At dahil mababaliw ako, di ako magiging CPA. Ever. 

IN SHORT, maraming-maraming salamat po sa inyo! CPA ako ngayon dahil sa inyo. 

Nagpapasalamt rin ako sa mga nagbigay ng inspirasyon sa akin. You know who you are na. Ayeeee. (Hahaha) Biro lang! Di ninyo alam. Di ko naman sinasabi eh kaya di ninyo talaga malalaman. Unless feel ninyo. Kaya dito sa blog post na ito, magpapasalamat ako ulit sa mga magulang ko. Malaking parte ng buhay ko ay galing sa inyo - ang mga lessons in life, values, at pagmamahal na naramdaman ko. Maraming, maraming salamat, Ma, Pa. 

Sa mga kapatid ko na siyang dahilan kung bakit ako napilitang maging responsable sa mga bagay-bagay sa buhay. At maliban sa di ninyo sadyang pag-pre-pressure sa akin, maraming salamat sapagkat dalawa kayo sa mga pinakahinahangaan kong mga tao sa mundo. Nagkataon na sabay-sabay tayong lumaki sa isang bahay at nakilala ko kayo nang buong-buo. Sobrang suwerte ko na maging kapatid ang mga batang tulad ninyo na matalino, may konsensya, maawain sa mga nangangailangan, at masipag. Kayo na. Kayo na talaga! (Kakalimutan ko muna iyong mga away natin noon. Hahaha) Sana'y napasaya ko rin kayo sa nakuha kong titulo. Huwag ninyong isiping pressure 'to sa inyo. Kasi naman, iba't ibang daan ang tatahakin natin sa buhay. Gawin ninyo lang kung ano man ang nagpapasaya sa inyo at sa mga mabubuting tao sa mundo. Ang titulong ito ay di para maging ehemplo ako sa inyo bilang "taong may titulo kaya't dapat magkaroon rin kayo ng ganito." Ito'y mensahe na gawin ninyo ang lahat nang makakaya ninyo para makamit kung ano man ang gusto ninyo sa buhay. At isa na ring paraan upang maipakita ang aking pasasalamat.

Sa mga kaibigan ko na naniwala nang buong-buo sa aking kakayahan. Grabe, pressure kayo ah! (Hahaha) Pero pressure na nais kong laging nandiyan. Maraming salamat sa tiwala ninyo. You guys kept me going. 

Sa mga guro ko na pinahirapan kami sa undergrad. Dahil sa inyo, mas magaan na ang review namin. Maraming salamat sa pagtiyaga, pag-aruga, pagtiwala, at tunay na pagturo. Ang suwerte ko na naging mga guro ko kayo. 

Sa mga imaginary students ko na madalas kong iniisip habang nagbabasa ng Business Law, Tax, Practical Accounting 1 (esp. leases, income tax, employee benefits, book value per share, at earnings per share), at Auditing Theory. Kayo ang dahilan kung bakit nahanap ko ang mga concepts sa mga binabasa ko. Mas na-enjoy ko rin ang pag-aaral dahil sa inyo. Balang araw, magiging totoo na rin kayo. 

Sa mundong kay ganda at kay pangit rin, maraming dapat mabago sa iyo. Dahil sa iyo at sa college debating, naintindihan ko na may obligasyon ako na pagandahin ka sa buhay na ito. At dahil rin sa iyo, nakita ko ang lugar ng isang CPA sa pagpapaganda sa mundong ito. Naging inspirasyon ka na pagbutihin ko ang pag-aaral. Maraming salamat.

Sa aking chicken pox na akala ko ay allergy lamang sa simula, ikaw ang dahilan kung bakit ako'y napa-reflect sa buhay nang wala sa oras (sa last few weeks ng review). Maraming salamat dahil binalik mo sa akin ang aking "pace" sa pag-aaral. Pakiramdam ko nga ay babagsak sana ako kung di ka bumisita habang review. 

WEH? DI NGA. PARANG BALIKTAD AH. DIBA MAS BABAGSAK KA DAHIL DI KA MAKAKAPAG-ARAL SA KATI? NAGMAMAYABANG KA LANG ATA, GLENN!

Hindi. Seryoso talaga ako sa sinasabi ko, imaginary commentator. At hindi ito pagmamayabang tulad ng sa ibang Facebook posts diyan. (Hahaha) Noong papatapos na kasi ang review, sumobra sa sakto iyong pressure na naramdaman ko. Di ko nasusundan ang schedule na bigay ng review school ko at di na ako masaya sa pag-aaral. Nadala ako ng study pace ng review school at ng ibang reviewees. Nakalimutan ko ang aking sariling paraan ng pag-aaral. Dahil sa chicken pox nahanap ko ulit ito habang nag-re-reflect sa aking tunay na tahanan. Kaya ayan. Maraming salamat! 

At syempre, sa iyo, INTJ person. Thank you for everything. Alam mo na kung bakit. Mali pala ang sinabi ko sa taas. Sinasabi ko pala sa iyo ang mga bagay na ganito. :P


Iyon lang naman. Gusto ko lang magpasalamat sa mga tao, bagay, at hayop na naging dahilan ng aking pagpasa. Ngayon ay may susi na ako para mabuksan itong pinto ng pangakong pagbabago para sa ikabubuti ng lahat, bilang isang CPA. 

No comments:

Post a Comment